Aabot sa P230 bilyon ang pondong natukoy ng pamahalaan para tugunan ang epekto ng patuloy na krisis na dulot ng tensyon sa Middle East, paglalahad ni Acting Budget Secretary Rolando Toledo sa pagdinig ng Senate Committee on Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) nitong Martes.
Sinabi ni Toledo na una nang natukoy ng Executive Department ang P210 bilyon mula sa national budget, na binubuo ng humigit-kumulang P10 bilyon mula sa continuing appropriations ng 2025 budget at P200 bilyon mula sa kasalukuyang General Appropriations Act.
“In addition, just last Saturday, we spoke with [Energy] Secretary [Sharon] Garin. We’re looking at tapping the Malampaya fund of P20 billion, and the request is already with us,” dagdag ni Toledo.
“So a total of around P230 billion, Mr. Chair, is the available funding for us for this crisis that we’re now experiencing.”
Ipinaliwanag ng kalihim na ang P200 bilyon mula sa kasalukuyang budget ay ilalaan sa iba’t ibang programa ng pamahalaan na direktang tutugon sa epekto ng krisis sa mga mamamayan.
Kabilang dito ang P63.8 bilyon para sa Protective Services for Individuals and Families in Difficult Circumstances ng Department of Social Welfare and Development, na nagbibigay ng tulong sa mga pamilyang nasa krisis.
Mayroon ding P4.2 bilyon para sa Department of Migrant Workers at P1.2 bilyon para sa Assistance to Nationals at legal assistance funds ng Department of Foreign Affairs.
Binanggit din ni Toledo ang P2.5 bilyon na pondo para sa fuel subsidy ng Department of Transportation para sa transport sector, na kukunin mula sa pondo noong nakaraang taon.
“And also, we have to tap the DOLE TUPAD program of P21.28 billion and the DOH’s MAIP of P51.64 billion,” ani Toledo.
Ang paglalatag ng pondo ay tinalakay sa gitna ng pagsusuri ng Senado sa epekto ng global developments sa presyo ng petrolyo at sa ekonomiya ng bansa, at kung paano tutugunan ng pamahalaan ang mga hamong dulot nito sa publiko.
Sa parehong araw naman, inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order No. 110, na magmomobilisa sa united na tugon umano ng gobyerno sa krisis sa enerhiya. /Bistado


