Posibleng tumaas nang todo-todo ang presyo ng manok, baboy, at bigas sa mga susunod na buwan dahil sa epekto ng tumataas na presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Middle East, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Naglabas ng “worst-case scenario” ang DA kung saan inaasahang tataas ang presyo ng mga pangunahing pagkain kung aabot sa USD200 kada bariles ang langis at magtatagal ang krisis ng hanggang 180 araw.
Ayon sa projection ng ahensya, maaaring umabot sa P324 kada kilo ang presyo ng manok mula sa P200. Ang presyo ng baboy, partikular ang liempo at kasim, ay posibleng pumalo sa P558.10 at P588 kada kilo mula sa P350 at P370.
Sa bigas, tinukoy ng DA na maaaring tumaas ng 49 percent ang presyo ng well-milled rice, mula P45 kada kilo tungong P67 kada kilo.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., nakatali ang pagtaas ng presyo sa epekto ng fuel cost sa produksyon at transportasyon. “Food security is not just an agricultural issue; it is national stability. Our task is to ensure that the system absorbs the shock rather than amplifies it,” aniya sa pagdinig ng Senado.
Bagamat nananatili pa sa pre-conflict levels ang presyo ng pagkain sa ngayon, sinabi ng DA na inaasahan ang pagtaas nito kapag tuluyang tumama ang epekto ng mas mahal na logistics at input costs.
Ipinaliwanag din ni Tiu Laurel na maaaring maramdaman ang pagtaas ng presyo ng bigas bandang August kung magpapatuloy ang oil price surge.
Dagdag pa niya, may mga hakbang na ginagawa ang pamahalaan para bawasan ang epekto nito. “Our response has six priorities. First, strengthen domestic production by supporting key crops, distributing certified and climate-resilient seeds, and improving extension services,” aniya.
Kabilang din sa mga hakbang ang fuel subsidies, paggamit ng alternatibong pataba, at pagpapalakas ng logistics tulad ng cold chain at farm-to-market roads. /Bistado


