Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Cash relief assistance payout sa Makati, pinutakte ng reklamo

Maagang pumila, pero umuwing luhaan.

Ganito inilarawan ng ilang driver sa Makati ang karanasan sa cash relief assistance payout na ilang beses isinagawa sa Makati City Hall Quadrangle nitong huling linggo ng Marso.

Noong March 24, isinagawa ang pamamahagi ng tig-₱5,000 ayuda para sa mga TNVS driver sa lungsod. Ayon sa tala ng LTFRB, 1,274 driver ang target na makinabang sa programa. Sa nasabing payout, 1,041 ang nakakuha ng tulong, habang 233 ang hindi pa nabibigyan.

Sumunod dito, noong March 26 at 27, isinagawa naman ang payout para sa mga jeepney driver. May kabuuang 846 driver sa Makati ang nakalista na tatanggap ng parehong ₱5,000 cash assistance bilang bahagi ng programa ng pambansang pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.

Layunin ng programa na makatulong sa pang-araw-araw na gastusin ng mga tsuper, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.

Gayunman, kasabay ng payout, umalingawngaw ang reklamo ng ilang driver na hindi umano naisama sa listahan ng mga benepisyaryo.

Sa ilang komento sa My Makati, opisyal na Facebook page ng local government, inilahad ng mga driver ang kanilang hinaing matapos pumila ngunit hindi nabigyan ng ayuda.

“Dami nga hindi nakakuha…Tingnan mo sa pila ng nakakuha, konti lang, mas marami ang hindi nakakuha, nakakasama lang ng loob. Pipila-pila, ’yun pala walang makukuha,” ayon sa isang netizen.

May ilan ding nagsabing wala silang natanggap kahit aktibo silang bumibiyahe. “Sana all na lang. Kaming rutang Evangelista-Libertad, luhaan walang nakuha,” saad ng isa pang komento.

May iba namang nagsabing pinaghintay lamang sila sa tawag o abiso. “Sabi nila antay na lang daw sa tawag. Ano yun trabaho, nag-a-apply? Ang galing,” reklamo ng isa.

Sa hiwalay na komento, may nagsabing maliit na bahagi lamang ng mga driver ang nakatanggap ng ayuda. “Sa Pasay at Mandaluyong nasa LTFRB 2nd batch ng makakakuha ng ayuda. Dito sa Makati, wala, 18,000 ang driver sa Makati, yung 20% ng mga driver lang ang nakakuha. Pili lang pati yung matagal nang patay na driver nakalista haha tapos yung 80% wala . ‘Ganito kami sa Makati,’” aniya.

Batay sa abiso ng Makati City LGU, pinayuhan ang mga driver na wala sa listahan na makipag-ugnayan sa LGU-DSWD Help Desk na nakatalaga sa payout site o lumapit sa LTFRB personnel para sa kanilang concern.

Sa kabila nito, nananatiling sentro ng usapan ang kakulangan ng ilang pangalan sa listahan at ang karanasan ng mga driver na pumila ngunit walang natanggap na tulong.

Nag-aabang ng further updates ang mga driver na hindi naisama sa mga naunang payout. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles