Maagang pahirapan ang sumalubong sa maraming commuter sa Commonwealth Avenue sa Quezon City ngayong Lunes, habang balik-trabaho na ang marami matapos ang Semana Santa break.
Sa may Philcoa, bago pa mag-5 a.m., mahaba na ang pila ng mga pasahero at punuan na agad ang mga pampasaherong sasakyan. May mga bus na tayuan na, siksikan din sa modern jeep, at sa ilang traditional jeeps ay may mga nakasabit na sa estribo.
Sa panayam ng Bistado sa ilang commuter, sinabi nilang halos 40 minuto na silang naghihintay pero wala pa ring masakyan.
Habang tumatagal ang umaga, lalo pang bumigat ang sitwasyon. Pinausod pa ng MMDA ang mga pasahero papunta sa itinalagang PUV stop dahil nasasakop na nila ang dalawang lane ng kalsada sa tindi ng dagsa.
Sa westbound lane ng Commonwealth patungong Elliptical Road, mataas din ang volume ng sasakyan.
Hindi lang sa Philcoa ramdam ang balik-trabaho rush. Sa One Ayala terminal sa Makati, dagsa rin ang mga biyaherong galing probinsya noong Linggo ng gabi hanggang Lunes ng madaling araw.
May ilang pasahero ang nabigla sa dami ng tao, lalo na’t suspendido ang operasyon ng MRT-3 noong Holy Week, kaya ang iba ay napilitang maghintay nang matagal o maghanap ng alternatibong sakay.
Bilang tugon, nag-deploy ang Department of Transportation ng mga bus para tumulong sa mga stranded na pasahero.
Ayon sa Philippine Coast Guard, libo-libong pasahero rin ang dumagsa sa mga terminal, pantalan, at iba pang transport hub Easter Sunday pa lang. Nakapagtala ang ahensya ng mahigit 400,000 pasahero na dumagsa sa mga pantalan sa buong bansa. /Bistado


