Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

BAGETS THE MUSICAL REVIEW: Napapanahon pero bagitong musical

Halos kasabay ng paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power, sumalang sa entablado ang Bagets The Musical sa Newport Performing Arts Theater. Tatakbo hanggang ngayong buwan ng Marso, adaptation ito ng sikat na pelikulang Bagets na pinalabas noong 1984.

Set ang kuwento sa 1984–1985, ilang saglit bago ang EDSA. May pahapyaw na pagpasok ng pulso ng bayan. Sa isang tagpo, hindi man “Marcos resign” ang bitbit na plakard, usapin ng demolisyon at usapin sa paninirahan na inilatag. May kirot. May himig ng lumalaking galit ng taumbayan. Pero bitin. Parang may gustong banggitin ang dula, pero umatras sa gitna.

Produksiyon ito ng Newport World Resorts, The Philippine Star, Viva Communications Inc., at PETA Plus. Isinulat ni J-mee Katanyag at dinirehe ni Maribel Legarda. 

Sa entablado, tampok sina Andres Muhlach, KD Estrada, Milo Cruz, at Jeff Moses bilang sentro ng barkada. Kasama rin sina Natasha Cabrera, Carla Guevara Laforteza, Brigitta Marilla, Andrea Babierra, Mia Bella, Ada Tayao, Jon Abella, Carlos Canlas, Gerald Magallanes, at marami pang iba kabilang sina Kakai Bautista, Gie Onida, at Moi Gealogo.

Bagama’t ensemble ang presentasyon, malinaw na ibinibida si Andres Muhlach. Siya ang natural na pangunahing draw, lalo’t siya ang humahawak sa papel na minsang pinasikat ng kanyang amang si Aga Muhlach. Ngunit sa kantahan, hindi pa masasabing pulido. Sa opening number pa lang, may mga panaka-nakang sablay sa audio tech na nakakasira sa momentum. Para sa sanay ang tenga, halata ang lamat sa bawat pagbirit ng batang Muhlach. Good start ito para kay Andres, pero siguro more practice?

Pero ganoon naman talaga ang kalikasan ng kabataan, di ba? Nag-aaral, nagpapakahusay, di pa perpekto pero handang mahasa. Dito malamang nagtagumpay ang produksyon, ang iparamdam sa manonood ang rawness ng esensya ng kabataan. Sa halip na itago ang pagiging hilaw, parang niyakap pa ito ng palabas bilang bahagi ng identidad nito.

Akmang-akma ang pamagat. Bagitong musical nga. Ramdam ang potensyal, pero hindi pa ganap ang tapang at pulido. Hindi lang ito 80s nostalgia. Isa itong paalala na sa bawat henerasyon, may kabataang kumakapa sa gitna ng ingay ng lipunan.

Sa panahong may mga pulitikong mabilis magbansag sa kabataan bilang “weak,” tahimik na sagot ang Bagets The Musical. Hindi man progresibo ang tindig, ipinapakita nito na ang kabataan noon at ngayon ay may sariling tinig. May kulang pa, pero may direksiyon.

Saktuhang palabas. May sablay, may kislap. Hindi pa ganap, pero may pangako. At minsan, sa teatro at sa buhay, doon nagsisimula ang tunay na paglago. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles