Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Babala ng PNP: Mag-ingat sa online staycation scams

Nagbabalak bang mag-staycation ang iyong pamilya ngayong summer, lalo na sa Semana Santa? May babala ang pulisya: mag-ingat sa online staycation scams.

Naglipana umano sa social media at online marketplaces ang mga alok na bakasyunan na tila napakamura o “too good to be true.” Ayon sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), ginagamit ng mga scammer ang pekeng staycation o resort offers para makahikayat ng mga biktima na naghahanap ng murang bakasyon.  

Ayon kay PNP-ACG spokesperson Police Lieutenant Wallen Mae Arancillo, madalas mangyari ang ganitong modus habang papalapit ang summer at mga long holiday tulad ng Holy Week kung kailan marami ang nagpaplano ng bakasyon.  

“Kung makakakita tayo ng mga napakamura or too good to be true offers and kung hinihingan na tayo ng pera, downpayment or full payment, magduda na tayo, lalong lalo na huwag tayo magbigay ng mga financial accounts natin or mga personal information natin,” pahayag ni Arancillo sa press briefing sa Camp Crame.  

Paliwanag ng pulisya, karaniwang gumagamit ang mga scammer ng nakaw na larawan mula sa mga tunay na resort o condominium unit at inilalagay ang mga ito sa pekeng online posts para magmukhang lehitimo ang alok. Kapag may nagpakita ng interes, hinihingan agad ang biktima ng down payment o buong bayad para umano sa reservation.  

Batay sa datos ng PNP-ACG, nakatanggap na ang ahensya ng 29 reklamo mula Enero hanggang Pebrero ngayong taon na may kaugnayan sa pekeng accommodation bookings at staycation offers online.  

Payo ng pulisya sa publiko, magsagawa ng masusing beripikasyon bago magpadala ng bayad sa anumang online booking. Mainam ding kumpirmahin sa lokal na pamahalaan kung rehistrado at may permit ang resort o accommodation na inaalok.  

Pinayuhan din ng PNP ang mga nagbu-book online na suriin ang mga larawan na ginagamit sa post dahil may mga pagkakataon na kinukuha lamang ito mula sa ibang website. Kung may kahina-hinalang transaksyon, mahalagang itago ang ebidensya tulad ng screenshots ng usapan, resibo ng bayad at link ng online account na ginamit ng scammer para makatulong sa imbestigasyon. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles