Muling lumagda ng kontrata ang magaling na singer na si Angeline Quinto sa ABS-CBN’s record label na Star Music last March 25.
Sa kanyang ika-15 taon sa industriya, ‘ward’ na din siya ng One Music Management, na co-managed with KreativDen. Malaki ang inaasahan ni Angeline sa kolaborasyong ito. Bahagi ng nasabing collaboration ang paggawa niya mga bagong kanta within the year, kasama na ang isang major concert at mga out of country engagements.
Saksi sa naturang contract signing ni Angeline sina ABS-CBN Music and Integrated Events head Roxy Liquigan at ABS-CBN Music creatives, content, and operations head Jonathan Manalo.
Present din sina KreativDen’s CEO Kate Valenzuela at Star Music label head Andie Arellano.

Pasasalamat ni Angge, “wala akong ibang nilu-look forward sa totoo lang. Gusto ko lang talagang makagawa ng maraming-maraming songs pa para sa lahat ng mga tao na hanggang ngayon ay mahal ang music, mahal ang mga kantang ginagawa ko.”
Tinaguriang Queen of Teleserye Theme Songs si Angge na nagbibida din sa ilang teleserye at pelikula, pero ang pagkanta at pag-perform bilang isang singer ang tunay daw niyang passion.
Kung meron man daw kantang matatawag na ‘tatak-Angeline’, ay ito yung sinulat ni Jonathan Manalo na “Patuloy ang Pangarap.
“Alam ninyo ‘yung song na ‘Patuloy Ang Pangarap’ na isinulat ni Sir Jonathan Manalo, may mga OFW na talagang nagme-message sa akin at nagpapasalamat sila kasi dahil sa kantang ‘Patuloy Ang Pangarap’ hindi nila binitawan ang pangarap nila. So hanggang ngayon patuloy silang lumalaban sa buhay bilang OFW para sa pamilya nila. Kapag nakaka-receive ako ng mga ganoong messages mas lalo akong na-e-excite na gumawa nang iba’t ibang klaseng kanta,” wika pa nito.
Sa personal niyang buhay bilang isang asawa na may dalawang anak, nangangarap pa din ang singer-actress na tapusin ang kanyang pag-aaral.
Sa katunayan, ngayong June ay magtatapos siya sa kursong Bachelor of Science in Business Administration, major in Marketing Management, mula sa Immaculada Concepcion College.
Kuwento ni Angge, “hindi alam ng family ko and asawa ko… Ang pagtupad ng pangarap walang pinipiling edad. Kahit wala na si Mama Bob, itinuloy ko pa rin pangarap. Noong time (na) nagbubuntis ako sa pangalawang baby namin, pag buntis iba-iba moods. Noong time na ginagawa namin ‘What’s Wrong With Secretary Kim,’ kasabay noon sumasagot ako ng modules.”
“May time na bumagsak ako. Nagmamakaawa ako sa profs ko para pabalikin ako sa school… Salamat sa professors ko. Ang dami ko pinagsabay-sabay ng panahon na yan. Pinagdasal ko na ‘Lord matapos ko lang to, pangarap ito ng Mama Bob sa akin,” pakli nito.


