Umusad si Filipino tennis star Alexandra “Alex” Eala sa Round of 16 matapos talunin si Polish player Magda Linette sa score na 6-3, 7-6 (2) sa WTA 1000 Indian Wells Open sa California.
Maayos ang naging simula ni Eala sa unang set kung saan nakuha niya agad ang kontrol at tinapos ito sa 6-3. Sa ikalawang set, nakalamang si Linette sa 5-4 at nasa alanganin si Eala. Ngunit nagawa niyang ipilit ang tiebreak at doon ay mabilis na umarangkada para isara ang laban sa 7-6 (2).
Sa post-match press conference, sinabi ni Eala, “I think I just told myself to be brave, do whatever I could.” Dagdag niya, “I can’t control how she was playing. She, I think, upped her game in the second, so, I tried to go for my shots, and they were effective luckily.”
Bago nito, nalusutan ni Eala si German Laura Siegemund sa second round sa score na 6-7 (6), 6-3, 6-3. Ipinakita ni Eala ang kakayahang bumawi matapos matalo sa unang set, bagay na naging susi sa kanyang pag-abante sa torneo.
Sa susunod na round, makakaharap ni Eala si Czech player Karolina Muchova. Umabante si Muchova matapos talunin si British Katie Boulter sa score na 6-3, 7-5.
Si Muchova rin ang nagwagi sa Doha Open sa Qatar noong nakaraang buwan matapos talunin si Canadian Victoria Vanessa Mboko sa score na 6-4, 7-5. /Bistado


