Sinampolan ng Department of Energy (DOE) ang ilang gasolinahan sa Metro Manila matapos mapansin ang umano’y paglabag sa itinakdang schedule ng price adjustment ng mga produktong petrolyo. Ito ay sa gitna ng inaasahang bigtime oil price hike dulot ng lumalalang tensyon sa Middle East na patuloy na nagpapagalaw sa pandaigdigang presyo ng krudo.
Pinagpaliwanag ng ahensya ang dalawang gasolinahan sa Quezon City at isa sa Pasig City matapos mapansing hindi umano sumunod sa tamang schedule ng pagtaas ng presyo at posibleng nagpatong ng sobra sa pump price ng fuel.
Personal na inihatid ni DOE Undersecretary Felix William Fuentebella ngayong Lunes ang show cause order sa mga nasabing establisimyento bilang bahagi ng pinaigting na aksyon ng ahensya laban sa mga retailer ng produktong petrolyo na lumalabag sa fuel pricing rules.
Inaatasan ang mga operator ng gasolinahan na magpaliwanag kung bakit hindi nasunod ang itinakdang schedule ng oil price adjustment at kung may naganap na overpricing sa kanilang pump prices.
Mahigpit na ipinatutupad ng DOE ang patakaran sa lingguhang pagbabago ng presyo ng langis na karaniwang ipinatutupad tuwing Martes. Sa ilalim ng umiiral na regulasyon, ipinagbabawal ang tinatawag na advance price hike o ang maagang pagtaas ng presyo bago ang opisyal na schedule ng oil companies.
Nagbabala rin si Energy Secretary Sharon S. Garin sa mga operator ng gasolinahan laban sa pananamantala sa kasalukuyang sitwasyon sa pandaigdigang merkado ng langis. Aniya, hindi dapat gamitin ng mga retailer ang tensyon sa Middle East bilang dahilan para magpatong ng hindi makatarungang presyo sa mga motorista.
Kasabay ng mahigpit na pagbabantay sa mga gasolinahan, inilunsad din ng DOE at Department of Information and Communications Technology ang eGovPH Complaint Center para mapalakas ang monitoring sa bentahan ng petrolyo sa buong bansa.
Sa pamamagitan ng eGovPH app, maaaring magsumite ng ulat ang publiko laban sa mga gasolinahan na posibleng lumalabag sa fuel pricing rules. Kabilang sa mga pwedeng i-report ng mga motorista ang panic buying, fuel hoarding, hindi pagsunod sa fuel pricing schedule, biglaang pagtaas ng presyo, pagtanggi sa pagbebenta ng gasolina, at kakulangan ng supply ng petrolyo.
Layunin ng online complaint portal na gawing mas mabilis ang pagtanggap ng reklamo laban sa mga gasolinahan na sangkot sa posibleng overpricing at iba pang paglabag sa bentahan ng produktong petrolyo. /Bistado


