Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

343 OFWs mula Middle East, sinalubong ni Pangulong Marcos 

Personal na sinalubong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panibagong batch ng mga umuwing overseas Filipino workers (OFWs) ngayong Lunes, March 23, bilang bahagi ng patuloy na repatriation efforts ng pamahalaan sa gitna ng umiiral na tensyon sa Middle East.

Bandang 6:30 ng umaga nang dumating sa Villamor Air Base ang 343 repatriates na binubuo ng 317 OFWs at 26 dependents mula Kuwait, Bahrain, Qatar, at Saudi Arabia. Dumating ang grupo sakay ng chartered flight na pinatakbo ng Philippine Airlines.

Sa kanilang pagdating, nakipag-ugnayan ang Pangulo sa mga OFW at kanilang pamilya at pinangunahan ang pamamahagi ng tulong mula sa pamahalaan. Kabilang dito ang financial assistance, medical support, at psychosocial counseling para sa mga bagong dating.

Kasama ng Pangulo sa pagtanggap ang ilang miyembro ng gabinete kabilang sina Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, at Overseas Workers Welfare Administration Administrator (OWWA) Patricia Yvonne Caunan.

Ayon kay Cacdac, 234 OFWs sa naturang batch ang nagmula sa Kuwait, Qatar, at Bahrain habang ang 109 ay direkta mula Saudi Arabia. Ipinaliwanag niya na naging mahalaga ang papel ng Saudi Arabia sa pag-facilitate ng repatriation dahil sa limitadong airspace sa ilang bansa sa rehiyon.

“Sarado ang airspace in Bahrain and limited or restricted ang airspace sa Kuwait and Qatar. So it was a land-crossing effort. It took, on average, about seven to eight hours to get to Riyadh, Saudi Arabia,” ayon kay Cacdac.

Sinabi rin ng kalihim na sinamahan ang mga OFW ni OWWA Administrator Caunan, na nanguna sa on-ground operations sa Riyadh para tulungan ang mga Pilipinong dumaan sa land crossings mula sa iba’t ibang bansa.

Pagdating sa bansa, makakatanggap ang mga repatriates ng financial aid at reintegration services, kabilang ang livelihood assistance at tulong sa paghahanap ng trabaho. Ayon sa DMW, ihahain sa kanila ang mga available job orders habang magbibigay naman ng lokal na oportunidad ang Department of Labor and Employment.

Para sa mga uuwi sa Visayas at Mindanao, sagot ng pamahalaan ang hotel accommodation at domestic flight tickets. Para sa mga babalik sa iba’t ibang bahagi ng Luzon, may libreng bus transport na inihanda para sa kanilang pag-uwi.

Ayon sa datos ng pamahalaan, mahigit 1,400 OFWs at 334 dependents na ang na-repatriate mula March 5 hanggang 17. Noong March 18, dumating ang ikatlong chartered flight na may sakay na 153 OFWs, 114 dependents, at 50 stranded Filipinos.

Patuloy ang repatriation efforts ng gobyerno, at ayon kay Cacdac, naghahanda ang pamahalaan para sa pag-uwi ng humigit-kumulang 1,200 pang Pilipino sa mga susunod na araw, kabilang ang mga manggagaling sa United Arab Emirates. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles