Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

31 informants, tumanggap ng P7.4M pabuya mula sa PDEA

May kabuuang 31 civilian informants ang ginawaran ng P7,466,707.69 na cash incentives ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ngayong Lunes, March 23, sa ilalim ng Operation: Private Eye.

Ginawa ang awarding sa PDEA National Office sa Quezon City kung saan anim sa mga informants ang personal na tumanggap ng kanilang pabuya sa isang simpleng seremonya. Ang natitirang mga benepisyaryo ay aawardan sa mga PDEA Regional Offices sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Nanatiling confidential ang kanilang pagkakakilanlan para sa seguridad.

Dumalo sa seremonya si Dangerous Drugs Board Chairman Oscar F. Valenzuela, kasama ang mga opisyal at personnel ng PDEA at mga miyembro ng Operation: Private Eye Reward Committee.

Ayon sa PDEA, ang impormasyong ibinigay ng mga informants ang nagresulta sa 33 anti-drug operations na nagbunga ng pagkakasabat ng iligal na droga at pagkakaaresto ng mga drug personalities.

“These individuals exemplify the power of citizen action,” ani PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez. “Their information led to 33 high-impact anti-drug operations that dismantled criminal networks, resulted in the seizure of significant quantities of illegal drugs, and apprehension of high-value drug personalities.”

Kabilang sa mga tumanggap ng pabuya ang isang informant na nakakuha ng P1,834,640.81 matapos magbigay ng impormasyon na humantong sa pagkakasabat ng 24.983 kilo ng methamphetamine hydrochloride o shabu at pagkakaaresto ng tatlong indibidwal sa isang buy-bust operation sa Barangay Masin Norte, Candelaria, Quezon noong October 10, 2025.

Sinabi ng PDEA na ang lahat ng reward releases ay dumaan sa masusing pagsusuri ng Operation: Private Eye Reward Committee na binubuo ng mga opisyal ng ahensya at mga kinatawan mula sa business, academic, at religious sectors para matiyak ang transparency, integrity, at accountability.

Binigyang-diin ni Nerez ang papel ng mamamayan sa kampanya laban sa iligal na droga. “Their vigilance and willingness to come out in the open and speak up despite the risks involved, have disrupted illegal drug activities and helped protect countless lives,” aniya.

Hinimok din ng PDEA ang publiko na makibahagi sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon sa kanilang hotline na 0917-867-7332. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles