Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

3-term school calendar, inokeyan ni Pangulong Marcos

Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapatupad ng tatlong termino sa school calendar bilang bahagi ng hakbang para ayusin ang sistema ng edukasyon sa bansa.

Ibinigay ang direktiba batay sa rekomendasyon ng Economic and Development Council sa ikawalong pulong nito na ginanap sa Malacañan Palace. Sa pulong na ito, binigyang-diin ng Pangulo ang pangangailangan na pabilisin ang pag-apruba ng mga prayoridad na proyekto ng pamahalaan kasabay ng pagpapatupad ng mahahalagang reporma sa iba’t ibang sektor.

Layon ng bagong academic calendar na tugunan ang matagal nang problema ng siksik na learning periods. Ito ay dulot ng madalas na suspensyon ng klase dahil sa natural hazards at sabayang malalaking aktibidad na nakakaapekto sa tuloy-tuloy na pag-aaral.

Sa ilalim ng bagong sistema, lilipat mula sa apat na grading periods tungo sa tatlong termino ang school year. Ang bawat termino ay magkakaroon ng malinaw na paghahati ng panahon para sa pagtuturo at pagsusulit.

Batay sa plano, ang unang termino ay magkakaroon ng 54 instructional days at 10 araw na assessment period, kabilang ang limang araw na opening block. Ang ikalawang termino ay magkakaroon ng 55 instructional days at 10 araw na assessment period. Samantala, ang ikatlong termino ay magkakaroon ng 61 instructional days at anim na araw na assessment period.

Sinabi ni Marcos na bahagi ito ng pagsisikap para ayusin ang school calendar at mapabuti ang pagkatuto ng mga estudyante. “We are trying to fix the school calendar so that we can improve the performance of our students,” aniya.

Idinagdag din niya na mahalaga na maiangkop ang academic calendar sa kalagayan ng bansa. “We have to adjust the school calendar to our conditions,” ani Marcos.

Ayon pa sa Pangulo, ang pagbabago ay nakatuon sa pagpapahusay ng kalidad ng edukasyon ng mga kabataan.

Inaasahan na maglalabas ang Department of Education ng mas detalyadong panuntunan para sa implementasyon ng bagong 3-term school calendar, kabilang ang eksaktong iskedyul ng mga termino at kaukulang bakasyon. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles