Bahagyang bumaba ang kita ng Aboitiz Power Corp. noong 2025 matapos tamaan ng ilang gastos na may kaugnayan sa operasyon ng isa nitong malaking planta ng kuryente.
Batay sa pinakabagong disclosure ng kumpanya sa Philippine Stock Exchange, bumaba ng 1.8 percent ang core net income ng Aboitiz Power sa Php 33.1 billion noong 2025 mula sa Php 33.7 billion noong 2024.
Ipinaliwanag ng kumpanya na nahila pababa ang earnings dahil sa depreciation at interest expenses na may kaugnayan sa GNPower Dinginin Ltd. Co. Sinimulan lamang kilalanin ng kumpanya ang mga gastusing ito sa kanilang financial records noong March 2024 matapos ang integration ng nasabing power facility sa kanilang accounting books.
Ayon pa sa Aboitiz Power, kung hindi isasama ang mga gastusing ito, tataas sana ng humigit kumulang dalawang porsyento ang core profit ng kumpanya kumpara sa nakaraang taon.
Sa kabila ng bahagyang pagbaba ng kita, umangat ang aktwal na operasyon ng kumpanya sa sektor ng enerhiya. Ayon sa ulat, umabot sa 43,718 gigawatt hours (GWh) ang kabuuang electricity sales mula sa power generation at retail electricity supply units ng Aboitiz Power noong 2025. Mas mataas ito ng 21 percent kumpara sa 36,004 GWh noong 2024.
Tumaas din ang benta ng kuryente mula sa mga distribution utilities ng kumpanya. Umabot ito sa 6,927 GWh noong 2025 mula sa 6,631 GWh isang taon bago nito, katumbas ng apat na percent na pagtaas.
Patuloy ding pinalalawak ng kumpanya ang portfolio nito sa renewable energy. Target ng Aboitiz Power na makapagdagdag ng 3,600 megawatts (MW) ng bagong renewable energy capacity bago ang 2030. Kapag natupad, aabot sa 4,600 MW ang kabuuang renewable capacity ng kumpanya.
Bahagi ito ng mas malawak na layunin ng Aboitiz Power na maabot ang kabuuang generating capacity na 9,200 MW pagsapit ng 2030 para masuportahan ang baseload at peak power demand ng bansa.
Bukod sa power generation, may operasyon din ang kumpanya sa power distribution sa pamamagitan ng Davao Light and Power Co. Inc. at Visayan Electric Co., na nagseserbisyo sa mga konsumer sa Visayas at Mindanao. /Bistado


