Umusad ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte matapos ideklara ng House Committee on Justice nitong Miyerkules na “sufficient in substance” ang dalawang natitirang impeachment complaints laban sa kanya.
Sa botohan ng komite, 54 miyembro ang bumoto para ideklarang sapat sa nilalaman ang ikaapat na reklamo na inihain ng abogado na si Nathaniel Cabrera. Isang mambabatas lang ang bumoto ng “no,” si Quezon City Rep. Bong Suntay at walang nag-abstain.
Ganito rin ang naging boto nang suriin ng komite ang ikatlong reklamo na inihain ng grupo ng mga pari at abogado na pinamunuan ng Catholic priest na si Fr. Joel Saballa.
Matapos ang botohan, agad nagmungkahi si Justice Committee vice chairperson at San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora na padalhan ng abiso si VP Sara para sumagot sa mga reklamo.
“In view of the finding of the sufficiency in substance of the two impeachment complaints, I move to issue notice to the Vice President … to file her answer … within the non-extendible period of 10 calendar days from receipt of this notice,” ani Zamora.
Inaprubahan ang mosyon ni Justice Committee chair at Batangas Rep. Gerville Luistro. Inaasahan na magsusumite si Duterte ng kanyang sagot sa loob ng 10 calendar days mula sa pagtanggap ng opisyal na abiso.
Sa ilalim ng rules of procedure ng impeachment sa Kamara, kapag idineklara ang reklamo na “sufficient in substance,” obligado ang komite na magpadala ng kopya ng reklamo sa respondent. Pagkatapos magsumite ng sagot ang bise presidente, may tatlong araw ang mga complainant para maghain ng reply. May tatlong araw din si Duterte para maghain ng rejoinder.
Kasabay ng mga pleadings, kailangang magsumite ang magkabilang panig ng mga affidavit, counter-affidavit, at mga ebidensya. Pagkatapos nito, magsasagawa ng mga pagdinig ang House Committee on Justice, na siya namang gagawa ng report at rekomendasyon sa plenaryo ng Kamara sa loob ng 60 session days mula nang i-refer ang verified complaint.
Ang report ng komite ay may kalakip na resolusyon kung ipagpapatuloy ang impeachment o ibabasura ang mga reklamo. Kapag natanggap ng plenaryo, kailangan itong talakayin sa loob ng 10 session days. Kinakailangan ang boto ng sangkatlo o 1/3 ng lahat ng miyembro ng House of Representatives para aprubahan ang rekomendasyon ng komite.
Kapag bumoto ang Kamara para i-impeach ang opisyal, ipapadala ang kaso sa Senado para sa impeachment trial.
Sa ikatlong impeachment complaint na inihain nina Saballa at iba pang clergy at abogado, anim na pangunahing grounds ang inilatag. Kabilang dito ang alegasyon ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust dahil sa umano’y pag-ipon at paggamit ng higit sa P500 million na confidential funds ng Office of the Vice President mula 2022 hanggang 2023. Binanggit din ang umano’y maling paggamit ng hindi bababa sa P112.5 million na confidential funds ng Department of Education noong 2023, kung kailan kalihim pa ng DepEd si Duterte.
Kasama rin sa reklamo ang alegasyon ng korapsyon at bribery laban sa ilang opisyal ng DepEd, umano’y pagkontrata para sa pagpaslang sa pangulo, first lady, at dating House speaker, hindi maipaliwanag na yaman at kakulangan sa pagdedeklara ng assets sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth, at umano’y mga hakbang na naglalayong magdulot ng political destabilization tulad ng sedition at insurrection.
Samantala, pitong grounds ang inilatag sa ikaapat na impeachment complaint na inihain ni Cabrera. Kabilang dito ang umano’y assassination plot at sedition, betrayal of public trust at graft kaugnay ng paggamit ng confidential funds, procurement irregularities at bribery sa disbursement ng pondo ng gobyerno, at umano’y pamimigay ng monetary gifts sa mga opisyal ng DepEd.
Binanggit din sa reklamo ang alegasyon ng unexplained wealth at SALN violations, kabilang ang mga isyu sa bank records, pati umano’y pattern ng abuso, pagbabanta, at pakikialam sa civilian supremacy.


