Last-minute paspasan ang target gawin ng House of Representatives ngayong linggo para ma-meet nito ang target na maipasa ang 17 panukalang batas mula sa listahan ng mga prayoridad ng pamahalaan bago ang Holy Week recess ng Kongreso sa susunod na linggo.
Pansamantalang titigil ang sesyon ng Kamara mula March 21 at babalik na sa May 4.
Sa isang pahayag, sinabi ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ng Ilocos Norte na tatrabahuhin ng Kamara na maipasa na ang 17 sa 52 “priority measures” na inilatag ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) bago pansamantalang ihinto ang sesyon para sa Semana Santa.
Sa kasalukuyan, naipasa na sa ikatlo at pinal na pagbasa sa House of Representatives ang 11 LEDAC priority bills. Kabilang sa mga ito ang mga panukalang naglalayong amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act o EPIRA para palakasin ang Energy Regulatory Commission. Kasama rin ang Waste to Energy o Waste Treatment Technology Act na tumatalakay sa paggamit ng teknolohiya para sa pamamahala ng basura.
Naaprubahan din sa ikatlong pagbasa ang mga panukalang nag-aamyenda sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education o GASTPE Act. Bahagi rin ng listahan ang Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS Act na naglalayong gawing institutionalized ang programa ng tulong pinansyal sa mga indibidwal na dumaraan sa krisis.
Kabilang din sa mga naaprubahan na ng Kamara ang mga amyenda sa National Building Code at ang Blue Economy Act na nakatuon sa paglinang ng mga yamang dagat at sektor ng maritime economy.
May tatlo pang LEDAC measures na naka-schedule para sa pag-apruba sa ikalawang pagbasa sa plenaryo. Kabilang dito ang Anti-Political Dynasty Bill, ang National Land Use Act, at ang panukalang amyenda sa Biofuels Act.
Ayon sa datos ng Kamara, pito pang panukala ang nakalusot na sa committee level at naghihintay ng pagsusuri ng Appropriations Committee o ng Ways and Means Committee.
Samantala, ang natitirang 25 LEDAC priority bills ay sumasailalim pa sa technical working group discussions o committee deliberations.
Paliwanag ni Marcos, patuloy ang pagtutok ng Kamara sa mga panukalang ito dahil sa inaasahang benepisyo nito sa publiko.
“The House of Representatives is working hard to pass the LEDAC measures because every member knows that these bills, if they become law, will help every Filipino family,” pahayag ni Marcos. /Bistado


