Umabot na sa 1,315 overseas Filipino workers at kanilang mga pamilya ang natulungan ng pamahalaan na makauwi sa Pilipinas matapos maapektuhan ng krisis sa Middle East, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Batay sa datos ng DMW, kabilang sa mga nakauwi mula March 5 hanggang March 14, 2026 ang 1,022 OFWs at 293 dependents na na-stranded o isinailalim sa Bagong Pilipinas Repatriation Program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac, inuuna ng pamahalaan ang mga OFW na nasa high-risk areas, may karamdaman, o may humanitarian concerns habang inaayos ang kanilang ligtas na pagbabalik sa Pilipinas.
Sinabi ni Cacdac na patuloy ang koordinasyon ng pamahalaan para matulungan ang mga OFW sa pamamagitan ng airport assistance, financial aid, repatriation, at reintegration services.
Layunin ng mga hakbang na ito na matiyak ang kaligtasan ng mga manggagawang Pilipino at matulungan silang makabangon matapos ang kanilang pagbabalik sa bansa, ayon sa DMW. /Bistado


